Tuesday, November 17, 2009

No More Drama

Sagip Sining sa CCP - Comic Relief
(rebyu ng isang nagkukumahog na manunulat at sariling taguring artista)

*alyas lamang ang ginamit para sa mga kasamang kaibigan upang maprotektahan ang kanilang identidad

Ako si AC. Gusto kong isiping isa akong kwentista. Utal-utal akong magsalita kapag kaharap ang isa or grupo ng tao kaya't sa tingin ko mas mahusay kong maibabahagi ito sa litrato at mga letra.

Naging sensitibo para sa akin ang usaping umiikot sa bagyong Ondoy, lalo't ang mga naging biktima nito ang mapag-uusapan. Bagama't marami ang naghirap at naapektuhan sa nakaraang kalamidad (salamat sa Diyos at hindi direktang tinamaan ang aming lugar at ligtas naman ako at ang aking pamilya), hindi ang trahedya ang aking nakita. Ipinagmamalaki kong sa kabila nito, nasaksihan ng buong mundo ang pagtutulungan ng mga Pilipino at lumutang ang “Bayanihan”. Sinubukan kong kahit papaano'y maging aktibo, kahit sa maliit na paraan, gaya ng pagkalap ng mahahalagang impormasyon sa pamamagitan ng internet at social networking sites upang madaling maikalat ang relevant at urgent na pangangailangan sa iba't ibang panig ng Metro Manila, at mga karatig-lugar na binaha at nasalanta ng bagyo, wala pang isang buwan ang nakakalipas. Mahirap maging kampante lamang sa iyong kinalalagyan habang ang iyong mga kababayan ay unti-unting nawawalan ng tirahan o makakain. Hindi man ako personal na nakarating sa mga lugar gaya ng Pasig, Cainta, at Marikina, pinagpilitan kong makibahagi sa pagkakaisang nagmulat sa ating lahat upang mag-abot ng tulong, maliit man o malaki, donasyon mang materyal o serbisyong pisikal, kahit sa mga kapitbahay na baranggay o siyudad na maaaring nangailangan din ng tubig, gamot, pagkain, damit, o pansamantalang matutuluyan.

Natuwa ako nang malaman kong mayroong programang inorganisa ang RockEd, sa pakikipag-ugnayan sa CCP at ilang organisasyon upang maitaguyod ang Sagip Sining: Art 2D Rescue. Bilang isang kabataang nahihilig sa biswal art gaya ng potograpiya, pagpipinta at pelikula, maging sa musika at pagtatanghal sa entablado, nakita ko itong isang malaking oportunidad upang makatulong sa ating mga kababayan habang lalong pinagyayaman ang aking kaalaman sa mga nabanggit na ekspresyon ng art. Gaya nga ng sabi ko sa simula, sasabihin marahil ng iba, nagpapanggap lamang akong artista, ngunit wala akong pakialam. Kanya-kanyang hilig. Walang basagan ng trip.

Karag-karag ang aking pinakamalalapit na kaibigan: si Alex, nagtatrabaho sa isa sa mga prestihiyosong kumpanya ng transportasyon na nais handugan ng isang makabuluhan at sulit na pagpasyal sa Maynila bilang kapalit sa noo'y magarbo at matiyagang paghu-host sa kanya (at sa akin, dahil kasama ako sa biyaheng iyon) sa ibayong lalawigan sa Visayas si Toni – kababata ni Alex, isang malalim at masayahing Kristiyanong napadpad sa Maynila mula sa dinaluhang komperensya sa Tagaytay; si Jasmine, ang aking nakababatang kapatid na kabilang din at itinuturing na bunso sa aming grupo o barkada; si Coco, ang banidong panganay sa grupo na humabol lamang upang kami'y makasama kahit wala namang gaanong interes sa 'art and culture' at/o adbokasiya na isinusulong ng mga grupong gaya ng RockEd o institusyon gaya ng CCP. (May ilan pang muntik at tuluyan nang hindi na nakadalo mula sa aming barkada: si Princess, isang registered nurse na bagay mag-modelo sa taglay na balat-kulay at tangkad – nagtampo dahil hindi pinayagang sumama kung siya'y magsusuot ng mini-skirt kaya't hindi na sumipot; at si Rain, potensyal na kadebatehan sa diskusyong artes at literatura o sa madaling salita'y pinakamalapit na sigurong kahalintulad ng aking mga kinahihiligan – nagpapakadalubhasa sa pagtatapos ng ilang natitirang asignatura at proyekto para matagumpay na matapos ang kurso sa kolehiyo a.k.a. nagsusunog ng kilay kaya't nagpauna nang maaga pa lang na hindi na makakasama.)

Naiabot namin ng matiwasay ang ilang bag ng mga lumang damit na aming dala-dala bilang donasyong personal sa aming pagdating sa bulwagang CCP. Sapagkat naghintayan pa matapos magsimba sa umaga at mananghalian sa Timog, halos lagpas alas-tres na ng hapon kami nakarating sa loob ng teatro. Dali-dali naming hinanap ang iskedyul ng programa at sinugod ang Tanghalang Manuel Conde para sa ilang Cinemalaya shorts screening. Naabutan namin ang maiksing pelikulang “To Ni” ni Vic Acedillo Jr . Nakakatawa ang aming mga reaksyon pagkaupo pa lamang ng sinehan sapagkat pigil na pigil kami sa pagtawa sa makukulit na komento ng bawat isa at dahil na rin siguro sa aking pagsita sa kanila na maaaring may ilang seryosong filmmaker, batikang direktor o manonood na mainis sa aming may kaingayang pagbubulung-bulungan at hagikgikan. Nakakatawa naman talaga ang batang lalaking bida sa pelikula sapagkat itinuring niyang manyika ang rebultong Sto. Nino at nag-uumiyak siya nang malamang nasunog ito at napagdiskitahan ng ilang bata isang beses maiwan niya ito sa bukid habang naglalaro doon. Malaki ang aming respeto sa mga Katoliko at sana'y hindi isipin ng sinumang makabasa nito na pinagtatawanan namin ang Sto. Nino o kulturang Katoliko dito sa Pilipinas. Sa katunayan, may mga di-iilang linyang nabanggit ang ina ng bidang karakter sa pelikula na higit naming sinang-ayunan. Halimbawa nito'y nang sabihin niyang (paraphrase lamang) ang Diyos ay nakikita kahit saan o omnipresent – sa tubig, sa damuhan, sa hangin, at iba pa – bilang pag-alo niya sa bata nang mawala nga ang laruan at pinakamamahal nitong rebulto. Matapos niyang sabihin ito, pinakaginiliwan ng grupo nang sumagot ang batang bida ng “Ibig po bang sabihin Inay, ang Diyos ay nandun din sa plastic na istatwa?” Isa itong matalinghagang tanong na maging kaming magkakaibigan ay napaisip at nagsimulang magdiskusyon.

Pagkatapos ng palabas na ito, umikot kami saglit sa nakahilerang mga larawan bilang ekshibit para sa “Eksena: Mga Sineastang Pilipino (Filipino Filmmakers).” Nakakaaliw din ang tema nito sapagkat ang mga mukha mismo ng mga direktor at dalubhasa sa kamera ang kinunan. May kanya-kanya silang backdrop at kwento sa bawat larawan. Ayon sa aking pagkakaunawa sa eksplanasyong nakasulat sa luntiang dingding sa bulwagang pinakamalapit sa Tanghalang Conde at Tolentino, pinapili ang mga ito ng sarili nilang istorya bilang pagpapakita ng kanilang orihinal na ekspresyon ng sarili na tila sinasabing “ito ang tao sa likod ng mga lente”. Sa pagkakataong iyon, sila ang bida. Sa isang larawan, itinampok nila ang storyline na malapit sa kanilang puso, sa totoong buhay man o fictional na pagganap.

Ilang halimbawa (hindi sa akin ang mga larawan, marami nito sa google):



Pumila kaming muli sa susunod na pagtatampok sa Tanghalang Conde. Sa pagkakataong ito, nasimulan namin ang pelikula. Sa unang frame pa lamang, nagsusumigaw na ang titulo nitong “Mansyon” na dinirehe ni Joel Ruiz. Bihira lamang ang diyalogo dito, halos pipi nga ang mga bidang sina Dolores at Ambo, mga katiwala at/o katulong sa mansyon. Habang umiikot ang rolyo ng film, akala ko'y mababato ako sa short na iyon. Subalit ng muli kaming maghagikgikang magkakaibigan dahil sa unti-unting rebelasyon ng mga karakter, lalo na ni Dolores, isa siguro ito sa mabibilang-sa-daliri ngunit patok namang pagtatanghal sa Sagip Sining na hindi namin malilimutan. Tampulan ng asaran naming magkakasama ang klasikong si Inday, ang aming taguri kay Dolores. Nagmaganda kasi at sumobra naman ang pagpapanggap nitong kunyari'y siya ang may-ari ng mansyon na nagsimula lang sa pagkakaroon ng interes sa pulang pabango. Mayroon ding anggulo ng paglalandian sa pagitan nila ni Ambo, kahit pasimple lang, na sa huli'y nauwi sa seks. Hindi ito malaswa sapagkat naging mahalaga naman ang eksenang iyon upang ipakita ang progresyon ng kanilang love interest sa isa't isa. Hanggang ngayo'y palaisipan sa akin kung sa simula pa lamang ay may ugnayan na sila bilang mag-asawa o magnobyo, ngunit sa sa tingin ko'y intensyon din ito ng pelikula upang makadagdag sa pagiging open-ended ng istorya. Hindi kami masyadong nalungkot nang mabuking sila ng among sorpresang dumating sa mansyon at natuklasang nagpapanggap silang may-ari ng bahay. Sabi nga ni Coco, ang maganda doon natagpuan nina Dolores at Ambo ang isa't isa. Naging masaya naman sila at ang kanilang mga puso (at bilang aking dagdag, sa wakas ay nagkalapit din ang kanilang mga katawan) kahit na nawalan nga sila ng trabaho dahil dito. Sa huli'y pinakapaborito namin ang musical scoring nito na ginawaan pa nga namin ng sariling bersyon bilang pagkukutya kay Dolores, na agad naman naming nilapatan ng musikang gong sa collector's item shop ng bulwagan. Habang ine-edit ang pagsusulat nito, saka ko lamang natuklasan na award-winning pala ang pelikulang ito sa produksyon ng Arkeo Films.

Lumabas kami ng sinehang tawanan pa rin nang tawanan. Siguro akala ng mga nakakita sa amin doon ay puro komedya ang ipinalalabas ng Cinemalaya. Ilang saglit lang ang aming hinintay at pinapasok na kaming muli para sa pangatlong pelikulang aming pinanood sa gabing iyon. (Sapagkat lahat kami'y mahilig manood ng pelikula, mainstream man o independent, napagkasunduan naming ito ang event na karirin sa buong programa.) Tumambad sa pinilakang tabing ang mukha ni Nonie Buencamino sa unang bahagi ng palabas sa direksyon ni Doy Del Mundo, Jr. Ginampanan ni Buencamino si Mandy Diaz, isang totoong “Superfan” (titulo ng pelikula) ni Nora Aunor, ayon sa Superstarstruck. Mala-dokumentaryo ang dating nito ngunit hindi ko masyadong nagustuhan ang approach na ginamit dito. Masyadong madaldal ang narasyon at minsa'y over-the-top (sapagkat sadya namang magaling umarte si Buencamino) at /o siguro'y dahil bading na fan ang kaniyang karakter. Malaking factor din siguro na hindi naman ako Noranian. Subalit konsyus kong inalis ito sa aking isipan habang pinanood ang palabas na iyon. Makatotohanan ang mga nadaanang argumento na ginagawa ng isang simpleng taong umiidolo sa kanyang artistang hinahangaan. Huli ko na nalamang base pala ang pelikulang ito sa isang Noranian book essay na in-edit ni Nestor de Guzman. Gusto ko ang papel ng mga mala-anghel dela guwardiyang Nora impersonators. Mahusay pala talagang kumanta ang singer na gumanap sa pinakabatang kunwari'y nanggagaya kay Nora. Nakakaaliw ding panoorin si Buencamino na nakaupo sa mismong kinauupuan din naming sinehan sa Tanghalang Conde at animo'y pinanonood ang sarili niyang buhay. Salamin sa salamin ang dating ng pelikula – hindi na bago ngunit benta pa rin para sa akin, depende sa daloy ng kwento at paano ipinakita. Interesante ang screening na ito ngunit higit kong nagustuhan ang naunang dalawa. Sa panlasa ko'y mas nag-enjoy ako sa mga napanood na kaysa rito sa huli.

May katagalan pa bago ang susunod na event matapos ang tatlong sunud-sunod na palabas sa Conde (na minsa'y tinatawag ding Dream Theater). Naisip naming sumilip sa itaas, ang Main Lobby ng CCP, at tunghayan kung ano na ang mga kaganapan doon. Sinalubong namin ang mga taong pababa naman ng de-karpet na hagdan mula sa isang espesyal na musical play sa itaas. Pagdating doon sa Main Lobby, napakaraming tao dahil katatapos lamang pala ng “Tales of Manuvu”, isa sa mga diniskwentuhang musical play para sa Sagip Sining na ginanap sa Tanghalang Nicanor Abelardo. Habang ang karamiha'y abala sa pag-aabang sa mga artistang lumabas mula sa teatro, iginala ko naman ang aking mga mata sa paghahanap kung sino ang nanood nito na kabilang sa mga malalaking pangalan sa industriya ng sining sa kabuuan, mapa-telebisyon, entablado, maging radyo o sine; mga pamosong elitistang madalas nang sumuporta sa mga benefit shows gaya ng isinusulong ng Sagip Sining; o mga simpleng tao na medyo pamilyar ako dahil sa pagiging hobbyists nila sa mga ganitong pagtatanghal o programa. Isang masayang pagkagulat nang makita ko sina: Pepe Diokno; isang modelong lalaking hindi ko maalala ang pangalan, at isa pang may edad nang babaeng alam kong galing sa kilalang mayamang angkan gaya nina Zobel de Ayala o Yuchengco, atbp. na hanggang ngayo'y inaapuhap ko pa sa aking alaala saan ko siya huling nakita; Professor Tony Mabesa, na aming hiningan ng pagkakataong makuhanan ng litrato; Soliman Cruz na mula aming pagdating sa bulwaga'y nakita na naming karga-karga ang anak at mukhang nagsasaya rin sa iba't ibang palabas; isang grupo ng mga graphic designers; Robert Sena at Guji Lorenzana, na parehong nakadamit karakter pa sa huling pagtatanghal at patok na patok sa mga tsikiting kaya't aming kinuhaan ng larawan paparazzi-style; at marami pang iba na hindi ko maalala ang pangalan, hindi dahil hindi sila kilala o mahalaga kundi dahil mahina ang aking memorya sa pag-identify ng pangalan at mukha. Nagulantang ang lahat nang biglang may nagsasayaw sa gitna ng Main Lobby at ang kanina'y di mahulugang karayom na dami ng tao'y nahawi upang bigyang daan ang “Tambol at Padyak” na nagtampok sa grupo ng Ballet Kids. Sabi ni Jasmine, mukhang karamihan sa kanila'y nagsisimula pa lamang matutong mag-ballet. Hindi ko sila masyadong naaninag mula sa aking kinatatayuan ngunit dinig na dinig ang kanilang sabay sabay na pagpadyak (gamit ang bakya ayon kay Jasmine na mahilig rin mag-ballet) at pagpalakpak sa saliw na pagpalo ng tambol. Napakasaya ng atmospera ng Main Lobby noon na animo'y may pyesta. Kahit hanggang sa matapos silang magsayaw, akala mo'y magkakakilala ang lahat na nagkukuwentuhan. Matapos nito'y dumaan kami sa platform malapit sa fountain sa harap ng CCP kung saan gaganapin ang RockMed (may ilang bidyo akong nakita dito), isang konsyertong lalahukan ng maraming sikat na Pinoy rock bands. May kaagahan pa nang dumating kami kaya't nagsisimula pa lamang itayo ang entablado at marami pang nagkakainan sa mga food booths doon, kasabay ng pagse-setup ng mga dambuhalang speakers at mga ilaw sa lugar. Ito ang ilan sa mga larawan ng grupo habang hinihintay ang paglubog ng araw, na siyang hudyat ng pagsisimula ng rakrakan at tugtugan.

Sapagkat mahaba pa naman ang nakalaang oras para mabalikan ang RockMed concert, bumaba na kami ulit upang makakain pansamantala. Noong una'y gusto pa sanang magpunta sa SM Mall of Asia (MOA) subalit dahil wala pa ang sasakyang maghahatid din sa amin pauwi kinagabihan at may kalayuan din ito mula sa Roxas Blvd., naisip naming mag-Harbor Square na lang para hindi na rin kami mahuli sa susunod na event na aming balak daluhan.

Matapos ang ice cream, sisig, tuna sandwich, burger, at corndog na may fries, bumalik kami sa CCP at nagsimulang magtanung-tanong kung magsisimula na ang Comic Relief, isa sa mga pinakamalalaking event ng Sagip Sining sa buong maghapon. Nakailang balik din kami bago sila tumanggap ng pipila para makapasok sa Tanghalang Huseng Batute, na noong una'y dapat gaganapin sa Tanghalang Abelardo, kaya't nagkaroon pa kami ng pagkakataong umikot muli at tingnan ang mga larawan sa photo exhibit na nabanggit ko kanina, habang ang iba'y nagkanya-kanya nang pasyal sa palikuran. Kung tama rin ang aking pagkakaalala, nagawa pa naming makapanood saglit ng RockMed concert mula sa Main Lobby, sa tapat ng Tanghalang Abelardo, at tiyempong naabutang tumutugtog ang Sandwich. Pinanindigan ko na ang kunwa-kunwariang role ko bilang organizer ng programa, at ipinakilala ko sa grupo ang mga miyembro ng banda, at ilang personal na detalye na alam ko tungkol sa kanila. Gaya nga ng kanina ko pa sinasabi, rockstar din ako eh!

Bilang pagpupugay sa ekshibit na aming muling dinaanan, dahil mahilig din ako sa potograpiya, naisip kong papormahin ang aking mga kasama sa harap ng Eksena Wall. Binato ko sa kanila ang tanong na “Ikaw, ano'ng eksena mo?” at ang kanilang reaksyon sa aking pagkuha ng litrato sa kanila sa dingding na iyon ang kanilang magiging sagot. Pagpasensyahan nyo na ang aming simple ngunit maambisyong photo shoot.






Dali-dali kaming pumila nang aming mapansing humahaba na ang pila sa Comic Relief. Mabuti na lamang maaga kaming nakabili ng tiket kaya't doon kami sa mas maiksi at nauunang pila pinatuloy papuntang Batute. Medyo pinaghintay pa kami dahil sa kaunting delay ng pagdating ng mga artista, marahil din dahil sa biglaang pagpapalit ng lokasyon. Ayon sa aming napagtanungang usher, mayroon pa daw last minute dress rehearsal kaya nagkaganoon. Ayos lang. Wala namang bagot na oras sa aming magkakabarkada dahil kahit ano (o kahit sino) ay napagdidiskitahan naming pag-usapan at/o mapagtawanan. Trip-trip lang naman.

Sa sobrang excitement namin sa Comic Relief, doon kami sa gitnang bahagi ng teatro umupo. Maliit lang ang Batute kaya kitang-kita namin ang isa't isa, kapwa manonood at artista. Natuwa rin akong makita na kasama namin sa audience ang ilan na namang kilalang pangalan sa teatro, pelikula, telebisyon, at kung anu-ano pang midyum ng sining. Nagsimula ang pagtatanghal sa pamamagitan ng isang awdyo-biswal na presentasyon. Ipinakita dito si Juana Change sa iba't ibang karakter ng OFW sa loob ng eroplano. Nakakatawa na agad ito sa simula pa lamang dahil pihadong ang daming naka-relate sa mga pinagsasabi niya doon, depende sa sitwasyon niya sa eroplano. Mayroong papunta pa lamang siya sa ibang bansa, may first-timer, may nakailang pabalik-balik na sa Pilipinas at sa iba't ibang bansa, may tagabigay-payo sa kapwa OFW, may ibang nakikipagkilala sa katabing pasahero, may tipong puro reklamo tungkol sa pinapadalhang pamilya at/o pinagtatrabahuan nila, at kung anu-ano pa. Gusto ko rin ang subtitle na Tagalog sa bidyong ito dahil binigyan nila ng konsiderasyon ang iba't ibang klase ng posibleng manonood ng event na ito – maaaring matandang medyo mabagal makaunawa ng salita na kailangang mabasa ang diyalogo (o sa presentasyong ito'y monologo) ng artista, o ingliserong nagsisimula pa lamang maintindihan ang wikang Pilipino. Sa tingin ko'y pwede rin itong ipalabas sa iba pang mga pagtitipon, lalo't kung may target na international market, at posibleng may isa pang kopya nito na may English subtitle naman, o kung anumang lenggwaheng kinakailangan.

Pagkatapos nito ay isang awit mula sa apat na grupo ng lalaki at isang gitarista (grupong Bagong Dugo na ang mga pangala'y hindi ko rin maalala, pasensya na) ang umakyat sa entablado. Mahusay ang kanilang liriko. Panalo ang mga patama nila sa gobyerno. Gusto ko rin ang ideyang pinagtatawanan nila ang sarili dahil sa suot na pulang blazer ngunit seryoso po sila sa kanilang mensahe sa mga inaawit nila. At siyempre pa, dahil mahilig din akong maggitara, naaliw akong panoorin kung paano paglaruan ng gitarista ang ilang mga akorde sa pagtipa ng may harmonisasyon pa nilang pagkanta. Medyo kamukha niya si Jonathan Manalo, isang pamosong manunulat at prodyuser ng maraming awitin na nakilala sa JAM Songwriting Competition noon. Siya kaya iyon?

Si Beverly Salviejo ang unang nagtanghal. Kayseksi ng suot niyang itim na one-piece dress. Sabi nga nina Alex at Toni, ang kinis naman daw ng balat niya at kayputi pa, pati hita at mga braso, bakit daw hindi ganoon ang kanyang mukha? (Patawa lang po.) Hindi na kailangang ipagyabang pa ni Beverly ang kanyang boses dahil natural na magaling itong soprano sa aking pagkakakila sa kanya subalit lumaki lalo ang aking paghanga ng marinig ko siyang kumanta, falsetto pa! – habang nagpapatawa! May isang bahagi ng kanyang sketch na ang kanyang kanta'y puro sounds lang pero sobrang nakakatawa talaga. Isa siyang mahusay na panimula ng gabi ng komedya.

Sinundan siya ni Sir Ony Carcamo. Magaling ang kanyang pambungad na pagbati, kasuotan at setup ng props. Aaminin kong nabiktima niya ako sa pag-aakalang a) boring siya, b) magma-magic siya o kaya'y c) may tatawagin siyang bisita o audience participant. Isang nakakaaliw na sorpresa ng ilabas niya si Mr. Parley mula sa kahon na dala-dala at sa maiksing panimula pa lang ay nakuha niya agad ang aming atensyon bago namin natuklasan isa siyang ventriloquist – isang klase ng entertainer na kayang magsalita ng malakas at normal, minsa'y paiba-iba pa ng boses, kahit hindi halatang bumubuka ang bibig. Gusto kong magkaroon ng kaibigang kagaya ni Mr. Parley, ang manikang kunwari'y kausap niya. Napaka-interesting ng kanilang diskusyon. Isang lasing na jeepney driver si Mr. Parley na madaming kuwento sa buhay. Bilib ako sa pagiging matapat niyang komedyante. Sa ilang mga punchline na kaniyang binato sa audience, hindi lahat ay bago na o kaya'y bumebenta subalit kaya niyang gawing nakakatawa pa rin ang daloy ng pagpapatawa dahil malikhain siyang nakakaisip ng paraan kung paano gagawing nakakatawa ang reaksyon ng audience. Isa itong eksperimental stage comedy kung tutuusin. Sa huli'y sinubukan niyang pagsabayin ang dalawang tunog na nakatikom ang bibig. Kulang na lang ay magtayuan ang mga manonood sa sigabo ng palakpakang natanggap niya.

Lights out. Isang matangkad na pigura ang lumitaw sa aming harapan na may mahabang buhok. Pagkabukas ng mga ilaw, nandoong sumayaw ang isang impersonator ng sikat na international singer na si Beyonce. Hindi ako kadalasang natutuwa sa mga ganitong klaseng pagpapatawa subalit sa kanyang paghataw sa saliw ng kantang Single Ladies na halos kopyang kopya niya pati costume, koreograpo, lipsynch, maging ang magandang ngiti ni Beyonce (isa siyang magandang bakla), nakita ko ang sariling nag-eenjoy panoorin siya. Perpekto itong intermisyon matapos ang dalawang naunang pagtatanghal ngunit sa totoo lang ay kaya nitong dalhin ang isang segment ng anumang palabas. Matagumpay niyang natapos ang numero at makembot na bumaba ng entablado.

Sa malalim na tinig ng voice over (paglingon ko sa likod ay natuklasan naming si Gabe Mercado pala ito, siya ring direktor ng naturang show), ipinakilala niya si Jett Pangan. Alam na naming si John "Sweet" Lapus ang kanyang tinutukoy at dito na nga halos umikot ang buong skit ng komedyante. Napagkakamalan siya bilang rockstar ng grupong The Dawn, minsa'y inaakala na niyang siya nga ang naturang bokalista kapag humaharap sa salamin. Ang kanyang buong monologo, minsan medyo bastos, madalas puro mura. Pero ayos lang. Puno ng hagikgik ang teatro. Dahil hindi naman talaga sanay ang aming grupong makarinig ng ganitong mga salita, minsa'y nabibigla pa rin kami pero wala namang problema. Katuwaan lang, walang personalan. Siya ang pinaka-nakapagpatawa sa aming lahat mula sa mga halakhak na narinig ko sa loob ng Batute. Si Toni nga, halos umubo ng dugo sa kakatawa. Nagsugat yata ang lalamunan. Sabi ni Alex, may hika din daw siya. Ako naman, sobrang namaos dahil sa mga pakulong patawa ni Sweet lalo na sa bahaging ginaya niya ang ilang mga artista sa telebisyon at pelikula na maaaring gumanap na Lavinia Arguelles sa pelikulang Bituing Walang Ningning. Riot talaga iyon! Gumugulong na kami sa kakatawa. Patok ang kanyang halos pag-amin na hindi siya handa dahil paikot-ikot lang siya sa entablado habang nag-iisip ng susunod na patawa, habang parang sinasabing halos binababoy namin ang isang sosyal na institusyon gaya ng CCP para lamang gawing comedy bar. Di ko na namalayang natapos na siya at dire-diretsong lumabas ng Batute at hindi na namin muling nakita hanggang sa curtain call.

Maya't maya ay bumabalik ang Bagong Dugo na tila ba intermisyon sa pagitan ng ilang pagtatampok. Sila ang aming pahinga sa pagtawa. Subalit kung ang karamihan sa mga manonood ng gabing iyon ay hindi pinapansin ang kanilang pagkanta, ako'y higit na tumutok sa kanilang mga simpleng pasaring at matalinong paghabi ng mga letra upang gawing isang makulay at makabuluhang kantang may tugma.

Matapos nito ay isang may katabaang babae ang umakyat ng entablado. Aakalain mong napadaan lang ito sa CCP sa dala-dalahan niyang sanga ng isang nalalagas nang puno at suot nitong daster pang-iskwater. Si Mae Paner bilang Juana Change naman ang bumida – isang simpleng maybahay na kunwa'y nabaha noong bagyong Ondoy. Kinailangan ko pang ipakilala siya sa mga kasama upang hindi mapagkamaliang audience participation ang dramang ito. Seryoso ang kanyang monologo. Mahabang kuwento nang kung paano siya kumapit sa puno, tangan ang mga anak at ilang gamit na naisalba aniya, at iniakyat ang mga sarili sa itaas ng bubong upang mailigtas ang pamilya ang nagpatahimik bigla sa madagundong na paghalakhak noong una sa Teatrong Batute. Sa totoo lang, halos maiyak ako sa kanyang kuwento. Hindi biro ang kanilang sinuong. Hindi maikakaila na kahit ito'y kuwento-kuwento lamang, hindi malayong nangyari talaga ito sa ilan nating mga kababayan noong kasagsagan ni Ondoy. Isang masigabong palakpakan ang kanyang natanggap matapos ang kanyang mahaba at madramang pagganap. Bilib ako sa adbokistang ito. Dati pa ay naisip ko nang gamitin ang pangalang BidaJuan bilang trademark para sa isang nagsisimulang statement tee design organization o kaya ay para sa kahit anong advocacy campaign na may kaparehong tema na medyo nasyonalistiko ang dating. Hindi ko alam kung mayroon nang gumagamit nito sa ngayon. Ngunit gaya ni Juana Change, pareho ang aming layunin na sa pangalang gamit o alyas ay magsilbing paalala ito sa marami na kung nais natin ng pagbabago sa ating bayan, dapat ay magsimula ito sa sarili.

Sa tingin ko, dahil sa bigat ng presentasyon ni Juana Change, nahirapan ang sumunod na grupo nina Ate Glow, Kakai Bautista at isang kalbong baklang komedyante na si Attack, noong una'y isa sa mga pangalang hindi ko maalala (paumanhin po). Mistulang comedy bar na talaga ang naging sketch nila. Medyo agawan na rin ng eksena at patawa. Umulit na rin ang kanilang patutsada sa mga sosyalerang medyo may katandaan na (basahin: elite socialites) na nasa unang hilera ng audience seats at unang sinimulang okrayin nina Beverly Salviejo at John Lapus. Pinakanagustuhan ko ang mga banat ni Ate Glow (siyempre pa, proud UP-ian. Go SAMASKOM!). Pero sa kanilang tatlo, mas benta talaga ang Madam President na karakter niya. 'Yung dalawa parang napadaan lang na yaya at bading sa kanto. Hehe. Aminado naman sila. Dahil mayroon akong ilang mga kaibigan noong college na malapit na kaibigan o kakilala si Rene Boy Facunla a.k.a. Ate Glow dahil sa SAMASKOM, alam kong hindi siya ganoon kagaling kumanta; kaya naman todo palakpak ako at mga kasama nang sa huli'y todo birit na sa pagkanta sina Kakai at Attack habang si Ate Glow naman ay nagsasasayaw lang ng kanyang pamosong echoserang palaka dance at pasundot-sundot na bumabanat ng isang pang-Bible study na awitin dahil tila ganoon na ang set-up ng Batute nang gamitin nila ang isang masiglang kanta ng VST & Company bilang pagtatapos ng programa.

Sobrang hinangaan ko si Sir Gabe Mercado dahil siya ang nagdirehe ng buong produksyon na ito. Naaliw akong panoorin siyang malugod na pinasasalamatan at kinakamayan pa nga ang mga artistang gumanap tuwing matatapos silang magtanghal mula sa kanyang kinauupuan. Ito 'yung mga behind-the-scenes na hindi ko pinalalagpas sa mga live presentations na gaya nito. Halatang proud na proud siyang daddy ng kanyang mga talents. Sobrang palakpak pa nga siya pag-upo nina Ate Glow kahit na medyo may agawan eksena ngang nangyari. Alam mong todo suporta pa rin siya kahit na ganoon. Kaya siyempre pa, hindi namin pinalagpas ang pagkakataong magpa-picture kasama sila. Hindi nga lang nabuo ang tropa sa aming mga naghihingalo-sa-bateryang camera. Ayos na rin. Nakita ko ang idolong si Raymund Marasigan nang ang Sandwich at Pedicab ang sumalang sa RockMed concert sa pagitan ng mga events na aming nasaksihan. Yehey! At masaya naman kaming umuwi kahit sobrang pagod sa maghapon. Nakatulong pa kami sa mga nabiktima ng Ondoy kahit sa simpleng paraan gaya nang pagdadala ng mga lumang damit. Bukod sa mga tiket at perang donasyon sa bawat event entrance, maligaya na akong napasaya ko ang mga kaibigan sa pag-anyaya sa kanilang makiisa sa pagtitipong ito. Dahil dito, pwede na siguro akong maging opisyal na event-finder o researcher ng grupo. :)

Sagip Sining, walang hanggang pasasalamat. Rock Ed, CCP, sponsors, artists, and volunteers, mabuhay kayo!

Proud to be Pinoy,
C

No comments:

Post a Comment